Apat na Pilipinong woodpusher sa pamumuno ng dalawang grandmaster ang patuloy na nakikipaglaban para sa korona sa pagtuntong sa top 10 ng 2015 Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge sa Subic Bay Peninsular Hotel sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Olongapo City.
Inokupahan ni GM Darwin Laylo ang ikalawang puwesto sa pag-ipon sa kabuuang 3.5-puntos matapos ang ikaapat na round habang kabilang sina international master Joel Pimentel, IM Oliver Dimakiling at GM Eugeneo Torre sa walo katao na ikatlo hanggang ika-10 puwesto na may natipon na tatlong puntos.
Nakipaghatian ng puntos si Laylo sa kababayan nito na si Torre habang tinalo ni Pimentel ang kapwa nito Pilipino na si Antonio Jr. upang manatili sa unahan ng ikalawang internasyonal na torneo sa chess na isinasagawa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Sinurpresa naman ni Dimakiling (2372) ang grandmaster na si Alexander Subov ng Ukraine upang itala ang ikatlo nitong isinagawang upset sa torneo. Ang 28th seed na si Dimakiling ay tinalo ang No. 6 seed GM Vladimir Belous sa 49 moves ng Sicilian bago binigo sa ikalawang round ang 14th seed na si Indian GM Narayanan Sinulduth Lyna.
Walong Pinoy chess player ang kasalo naman sa 15 katao na 16th to 30th place na may dalawang puntos. Kabilang dito sina GM Richard Bitoon, IM Emmanuel Senador, IM Haridas Pascua, IM Jan Emmanuel Garcia, IM Paolo Bersamina, GM Rogelio Antonio Jr., IM Rolando Nolte at si FM Sander Severino.
Nauna nang nanggulat ang 2015 Battle of Grandmaster champion na si GM Richard matapos biguin ng mula Cebu at 24th seed sa torneo sina No. 2 seed Alexander Zubov ng Ukraine matapos ang 48 moves ng English at isunod ang No. 13th seed GM Duc Hoa ng Vietnam sa ikalawang round. (Angie Oredo)