Walong lider ng mga militante at cause-oriented group ang kinasuhan sa isang korte sa Quezon City dahil sa pagkakasangkot sa madugong insidente ng karahasan sa lungsod noong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ang mga kinasuhan ay sina Antonio Flores, secretary-general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP); Mark Adrian Ng, Hermie Marasigan, Perla Ipong at Renato Reyes pawang mula sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN); Arjie Manalo, secretary-general ng GABRIELA; Vencer Crisostomo ng Anakbayan at Ferdinand Gaite ng grupong COURAGE.

Isinampa ng Philippine National Police (PNP) ang mga kaso batay sa reklamo nina Police Chief Inspector Antonio Ananayo Jr. at Police Officer 1 Reden Malagonio ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na umanoy binugbog ng mga akusado sa SONA ni PNoy noong Hulyo 27.

Kabilang sa isinampa sa kanila ang mga kasong paglabag sa Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act of 1985), Serious Illegal Detention (non-bailable), Assault Upon an Agent of Person in Authority and Robbery.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa reklamo ng mga pulis, habang sila ay nakabantay para sa seguridad ng SONA, kinuyog sila ng mga militanteng grupo sa Commonwealth Avenue ng lungsod, isinakay sa pampasaherong jeep, ginulpi at tinangay ang kanilang mga personal na gamit .

Nabatid na si Ananayo ay nagtamo ng matinding internal head injuries at si Malagonio ay nagkaroon ng mga sugat at pasa sa katawan.

Ang kaso ay na-i-raffle na sa sala ni Assistant City Prosecutor Gibson Araula. (Jun Fabon)