Nasawi ang traffic enforcer ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) makaraang mabaril sa ulo ng isang security guard, matapos silang magtalo sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Masambong Station 2, ang biktimang si Enrique Presnido, 60, ng Barangay Toro Hill, Project 6, Quezon City.

Namatay si Presnido habang ginagamot sa Quezon City General Hospital dahil sa isang tama ng bala sa ulo.

Agad namang inaresto ng pulisya si Alex Batacan, 39, security guard ng isang bangko, tubong Cagayan, at naninirahan sa No. 39 Sauyo Road, Novaliches, Quezon City.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Base sa report ni SPO3 Alex Ada, dakong 7:30 ng umaga, nagsasagawa ng clearing operation ang DPOS, Highway Patrol Group (HPG) at mga traffic enforcer sa EDSA, kanto ng West Avenue, nang alisin ni Presnido ang motorsiklo ng suspek na nakaparada sa gilid ng bangko sa Maramount Building.

Pinakiusapan ni Batacan si Presnido na huwag isama ang kanyang motorsiklo hanggang sa nagtalo sila na nauwi sa pamamaril ni Batacan sa biktima.

Kinasuhan na at nakapiit sa himpilan ng Masambong Police si Batacan. (Jun Fabon)