Hablutin ang mailap na silya sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games ang pilit na aabutin ni 2-time Olympian Hidilyn Diaz at Asian Games veteran Nestor Colonia sa pagsabak nito sa qualifying na 82nd Men’s and 25thWomen’s World Weightlifting Championships sa George R. Brown Convention Center sa Houston, Texas.

Napag-alaman kay Philippine Weightlifting Association (PWA) vice-president Elbert Atilano Sr., na aalis na ngayong Linggo, Nobyembre 15, sina Diaz at Colonia na kapwa mula Zamboanga City patungo sa Houston kung saan isasagawa simula Nobyembre 20 hanggang 28 ang kada taon na World Championships.

“It’s now or never para sa dalawa,” sabi lamang ni Atilano, na umaasang makakatuntong si Diaz sa kanyang ikatlo na Olimpiada matapos na makasali noong 2008 Beijing at 2012 London habang una naman para sa dating Juniors gold medalist na si Colonia.

Base sa inilabas na ranking ng International Weightlifting Federation (IWF), kasalukuyang nasa ikaapat si Diaz sa lalahukang 53kg category kung saan nangunguna si Shu-Ching Hsu ng Taipei na may total weight lift na 225 kg.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Magkakasalo naman sa parehas na nabuhat sina Yajun Li at Xiaoting Chen ng China at si Diaz na may total weight lift sa snatch at clean and jerk na 220kg.

“Malapit na malapit lang kung susumahin,” sabi ni Atilano. “Kailangan lang natin na siguruhin na maganda ang isipan at kondisyon ni Hidilyn sa kanyang pagsabak at hindi iyong marami siyang bagahe hindi lang sa utak kundi pati sa kanyang kapaligiran.”

Nasa ikalima naman si Colonia sa kasalukuyang ranking para sa men’s 56kg kung saan nangunguna si Jingbiao Wu ng China na may total lift na 295kg at kasunod nito si Yun Chol Om ng PR Korea na may 293kg samantalang nasa ikatlo naman si Qingquan Long na may 290kg.

Magkasalo sa parehas na total lift sina Chin-Yi Yang ng Taipei at si Colonia na may 280kg. (Angie Oredo)