Isang 33-anyos na lalaki, na kapipiyansa lang dahil sa kasong robbery, ang napatay ng hindi pa kilalang suspek sa Malabon noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Severino P. Abad Jr., hepe ng Malabon City Police, ang napatay na si Guillermo Solis, alyas “Jablo”, ng Barangay Baritan, Malabon.

Ayon sa imbestigasyon, naglalakad si Solis patungo sa kanyang bahay sa Guenkeko Street nang lapitan siya at biglang pinaputukan ng hindi pa kilalang suspek dakong 8:30 ng gabi nitong Huwebes.

Nagtamo ng maraming tama ng bala si Solis sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad niyang ikinamatay, ayon sa pulisya.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Isinalang sa inquest proceedings si Solis noong Oktubre 13 dahil sa dalawang kaso ng robbery, subalit matapos ang 15 araw ng pagkakapiit ay pinayagan ito ng korte na makapagpiyansa.

Inaalam pa rin ng pulisya ang motibo sa likod ng pamamaril sa biktima. (Ed K. Mahilum)