Kasunod ng pagkakasangkot sa isang insidente sa kalye ng isa nilang manlalaro na si John Apacible, isa pang manlalaro ng Ateneo de Manila men’s basketball team sa University Athletic Association of the Philippines ang sangkot na naman sa isang kontrobersiya.
Sa kabila ng pagsisikap na maitago sa mga miyembro ng UAAP Press Corps na naiwan sa loob ng Araneta Coliseum pagkatapos ng laban ng Ateneo at ng season host University of the Philippines noong Miyerkules ng gabi ng officials, hindi rin nalingid ang ginawang pag-aresto sa Blue Eagles cager na si Chibueze Ikeh ng mga pulis sa labas mismo ng kanilang dug-out sa naturang venue.
“It has nothing to do with Ateneo, it has nothing to do with the UAAP, It’s a personal matter,” ang naging pahayag ni Ateneo athletic director Emmanuel Fernandez.
“It’s regarding one of our students, one of our player, that’s it. That’s the only thing I could tell you,” dagdag pa ni Fernandez na ayaw pang banggitin ang kanilang Cameroonian center na siya na lamang natitirang player sa loob ng dugout kasama nina Ateneo coach Bo Perasol, assistant coach Sandy Arespacochaga at team manager Epok Quimpo.
Kinalaunan, lumabas din ang totoo na si Ikeh na isinakay ng apat na unipormadong pulis kasama ng may anim pang mga nakasibilyan na lalaki sa isang puting van ay kinasuhan ng violation of Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act kaya ito inaresto at dinala ng mga kagawad ng Quezon City Police sa Camp Karingal.
Nakatakdang maglaro ang Ateneo sa darating na Linggo kontra sa kanilang mahigpit na karibal na De La Salle University.
At upang makalaro si Ikeh, kinakailangan nitong magbayad ng piyansang P24,000 ayon sa pinakahuling ulat.
Matatandaang nasangkot sa isang gusot sa trapiko ilang linggo pa lamang ang nakakalipas ng Ateneo player na si Apacible na sinuspinde mismo ng pamunuan ng unibersidad. (MARIVIC AWITIN)