Kumpirmadong dadayo sa bansa ang pinakamahuhusay na beach volley players sa mundo upang lumahok sa inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) na internasyonal na torneo na “Spike For Peace”, simula sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sinabi ni PSC beach volley consultant Eric LeCain na hindi lamang pinakamahuhusay na beach volley players sa Asia ang inaasahang dadayo sa torneo, na bahagi ng selebrasyon ng bansa para sa Peace Month, kundi maging sa buong mundo.
Nakataya sa “Spike For Peace” ang kabuuang $25,000.
Ilan na sa mga nangungunang nagpahayag ng pagsali ang mga naghahangad makatuntong sa 2016 Rio de Janeiro Olympics na dalawang koponan mula sa New Zealand, na agad nakapagkumpirma ng kanilang paglahok kahit na hindi pa napa-finalize ang format na gagamitin sa torneo.
“There will be an official announcement and press conference as to who are the competing teams,” sabi ni LeCain, na katatapos lang sumali sa AVC Asian Qualifying leg kasama ang men’s beach volley players na sina Jade Becaldo at Daniel Young, sa magkasunod na torneo sa Indonesia.
Ilan sa inaasahang lalahok sa torneo ang Malaysia, Thailand, Cambodia, at Indonesia, gayundin ang China, South Korea, Australia at Japan.