Pagkakasyahin na lang ng senatorial bet na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa 30 araw ang pangangampanya niya sa bansa kung muli siyang sasabak sa ring bago ang eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Ito ang nakikitang posibilidad ng mga handler ni Pacquiao, matapos ihayag ng eight division world boxing champion ang plano niyang magretiro na sa boxing pagkatapos ng laban niya sa Abril 9.
“Kailangang mag-train ni Cong. Pacquiao sa loob ng 60 araw bago ang laban. Kaya makaaapekto ito sa pangangampanya niya,” sabi ng isang malapit na adviser ng kongresista na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Dahil gugugulin sa training ang 60 araw bago ang eleksiyon, may 30 araw na lang si Pacquiao para suyuin ang suporta ng mahigit 50 milyong botante sa bansa.
Kumakandidato sa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance (UNA), sinabi ni Pacquiao na magreretiro na siya pagkatapos ng laban niya sa Abril 9 para tutukan ang pulitika.
Gayunman, inamin ng boxing promoter na si Bob Arum na wala pang kumpirmadong makakalaban ni Pacquiao matapos na mabigo ang negosasyon sa British na si Amir Khan.
May record na 57-6-2 at may 38 knockout, napaulat na pinagpipilian para susunod na makalaban ni Pacquiao sina Terence Crawford, Juan Manuel Marquez at Timothy Bradley. (BEN ROSARIO)