Isang gabi, dakong 11:00pm, nagsusulat ako ng artikulo para sa Balita, may pumarang jeep sa tapat ng aming bahay. Naku, ang lakas ng kanyang radyo habang may hinihintay itong pasahero. Sa sobrang lakas, dinig ko ang usapan sa radyo. Isang lalaki ang naglalabas ng hinaing sa radio announcer. Anang caller, binasted siya ng kanyang girlfriend.
Hiniram kasi ng girlfriend niya ang kanyang tablet upang mag-search sa Internet ng isasagot sa assignment. Ngunit natuklasan ng girlfriend na bumibisita pala ang lalaki sa mga pornsite. Nagalit umano sa kanya ang girlfriend niya at tuluyan na siyang kinalasan. Pinakamamahal daw ng lalaki si babae at parang hindi raw nito kakayanin ang mabuhay nang wala ito. Lumaki raw siya sa maayos na pamilya, graduate ng isang matinong paaralan, ngunit labis-labis na siyang naaapektuhan dahil sa pangyayari. Sumagot naman ang radio announcer, na mag-focus daw ang caller sa mga potensiyal at talento na ibinigay sa kanya ng Diyos sapagkat iyon daw ang daan patungo sa pagiging wholesome niya uli.
Sa totoo lang, hindi ko naintindihan ang mungkahi ng announcer, at tiyak ganoon din ang caller.
Kung ang may-akda ng Aklat ng Hebreo ang tutugon sa caller, sasabihin nito roon na may problema ang lalaki sa pagkakasala at dinidisiplina lamang siya ng Diyos na mapagmahal. Hihimukin ng may-akda ang caller na magsisi at ilaan ang sarili sa pagpaparangal sa Diyos, manatili sa matuwid na daan para sa kanyang kapakanan at sa kapakanan ng iba, at magsikap na mamuhay sa kapayapaan at kalinisan.
Ang daan ng Diyos patungo sa pagiging wholsome ay higit pa sa pagsusuri ng sarili. Ito ay ang pagharap sa kasalanan at ang paghingi sa Diyos ng kapatawaran. Hindi madali ang maging wholesome, ngunit matatamo iyon sa pagsisikap.
“Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kaguluan. Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa. Marami ang kadalamhatian ng matuwid; ngunit inililigtas ng Panginoon sa lahat.” – Awit 34:17-19