Nang tandisang ipahiwatig ni Senador Miriam Santiago na hindi mapagkakatiwalaan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), hindi lamang ihinudyat nito ang kamatayan ng Bangsamoro Basic Law (BBL); lalo ring tumindi ang mga panawagan hinggil sa pagpapalawak ng isinasagawang peace talks upang masakop ang iba pang rebeldeng grupo sa Mindanao at sa iba pang sulok ng kapuluan.

Ang panggagalaiti ng naturang Senador ay nakaangkla sa sinasabing pagkakanlong ng MILF sa international terrorists na sina Zulkifli Bir Hir o Marwan na napatay kamakailan ng Philippine National Police Special Action Forces (PNP-SAF) at Abdul Basit Usman. Mahirap nga namang paniwalaan na walang kinalaman ang MILF sa mga kriminal na nagtatago sa kanilang nasasakupang komunidad.

Hindi lamang si Senador Santiago ang tahasang nagbintang na talagang hindi mapagkakatiwalaan at traidor ang naturang grupo ng mga rebeldeng Muslim. Si dating Presidente Erap Estrada at ngayon ay Alkalde ng Maynila ang malimit magbigay-diin na walang matatamong kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa MILF. Siya mismo ang naglunsad ng all-out war laban sa naturang grupo nang siya ay Pangulo ng bansa; naging dahilan ito ng pagkubkub at pagwasak sa mga rebel camps, kabilang na ang Camp Abubakar sa Basilan.

Ang mga pangyayaring ito na tinampukan ng pagkadismaya ng nabanggit na mga opisyal ang maliwanag na dahilan ng mahigpit na pagtutol sa BBL ng 60 porsyento ng mga Muslim sa Mindanao. Hindi ba ito isang senyales ng kamatayan ng naturang batas?

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Marami ang naniniwala na hindi lamang pakikipag-usap sa MILF ang tanging paraan o garantiya upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Makasarili ang ganitong pananaw. Higit kailanman, kailangang lalong paigtingin ang pakikipagdayalogo sa mga rebeldeng grupo, tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Justice for Islamic Movement (JIM), New People’s Army (NPA), at iba pa.

Sila ang makabuluhang bahagi ng peace process.