LEGAZPI CITY — Muling bumandila ang Albay sa katatapos na 2014 Gawad Kalasag Awards ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kung saan tinanggap nito ang isa na namang Hall of Fame honor at tatlo pang matataas na parangal. Ginanap ang parangal nitong nakaraang Marso 26 sa AFP Commissioned Officers Club, Camp Aguinaldo, Quezon City.
Nananatili ang Albay sa honor roll ng taunang Gawad Kalasag Awards sa nakaraang anim na taon. Itinaas ito sa Gawad Kalasag Hall of Fame noong 2012, bilang Best DRRMC sa tatlong magkakasunod na taon mula 2009 hanggang 2011. Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang mga karangalang inani ng tatlong pamahalaang lokal at isang civic organization ng kanilang lalawigan ay patunay lamang mabisa talaga ang mga pagsisikap nila sa DRR.
Ang mga pinarangalan bilang Best DRRMC awards sa kani-kanilang kategorya ay ang Legazpi City, ang bayan ng Santo Domingo na itinaas na rin sa Kalasag Award Hall of Fame, at ang Barangay Oro Site sa Legazpi. Ang civic organization na pinarangalan din ay ang Simon of Cyrene Children’s Rehabilitation and Development Foundation bilang Best Civil Society Organization. Ang Legazpi City at Barangay Oro Site nito ay dalawang magkasunod na taon na rin tumanggap ng Gawad Kalasag Awards kaya inaasahang malapit na itong itanghal sa Kalasag Hall of Fame.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni Gov. Salceda, ang Albay na malimit salantain ng mga kalamidad, ay nagsikap na itaguyod ang mahusay at mabisang programang DRR kung daan tampok ang estratehiyang preemptive evacuation nito tungo sa layuning Zero Casualty. Napanatili ng Albay ang mahusay at mabisang DRR performance nito kaya ito itinanghal sa Kalasag Hall of Fame noong 2012. Noong 2013, umani ito ng limang matataas ng Gawad Kalasag awards.
Dahil sa kahusayan ng Albay, itinanghal din ito ng United Nations bilang Global Model in DRR and Climate Change Adaptation (CCA). At si Salceda bilang UN Senior Global Champion in DRR-CCA. Kasunod nito, nahalal siyang 2013-2014 co-chairman ng UN Green Climate Fund board kung saan kinatawan niya ang buong Southeast Asia at mahihirap na bansa.