Nilagdaan ng EMotors, Inc., isang company na 100-porsiyentong Pinoy na nagkukumpuni ng ZuM electric tricycle (e-trike), ang isang memorandum of agreement kasama ang mga pangunahing kinatawan ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa pagtalaga sa mga e-trike bilang transportasyon ng mga makikibahagi sa makasaysayang pagpupulong ng mga world leader sa Pilipinas.

Kabilang sa mga lumagda ay sina Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, APEC 2015 Summit Chief Operating Officer Guillermo Luz, at EMotors Founding Director Helen Lee.

Base sa tema ng APEC meeting “Building Inclusive Economies, Building a Better World,” ang partisipasyon ng Zum e-trike sa ilang piling lugar kung saan idaraos ang mga pagpupulong ay magpapakita na ang Pilipinas ay determinado na labanan ang polusyon at pangalagaan ang kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit ng mga sasakyan na walang ibinubugang usok.

“ We are honored and support the government’s objectives of tackling two key global issues --Climate Change Mitigation and Inclusive Growth,” pahayag ni Elizabeth H. Lee, pangulo ng EMotors.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Isinusulong ng gobyerno ng Pilipinas ang paggamit ng mga sasakyan na mayroong zero-emission sa pagpapatupad ng Clean Air Act kontra sa lumalalang polusyon sa ilang siyudad sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Nakikiisa rin ang Pilipinas sa international community sa pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng seryosong pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan na may kaugnayan sa “Writ of Kalikasan.”

Ayon kay Elizabeth Lee, layunin din ng EMotor na makatulong sa pagpapabuti ng estado ng kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan na gagamit ng e-trike na itinuturing na abot-kaya at matipid sa konsumo ng kuryente.

Ang Pilipinas ang punong-abala sa 2015 APEC meeting kung saan magpupulong sa Manila at iba pang bahagi ng bansa ang mga lider at delegasyon ng 21 bansa na kinabibilangan Australia, Brunei, Canada, Chile, People’s Republic of China, Chinese Taipei, Hong Kong, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Papua New Guinea, Peru, Pilipinas, Russia, Singapore, Thailand, United States of America, at Vietnam.