Mas maraming aplikante ang inaasahang mapapabilang sa dumaraming nagkatrabaho dahil sa Manila Bulletin Classifieds Job Fair, sa pagsisimula ngayong Martes ng ikaanim na bahagi nito sa Glorietta Activity Center sa Makati City.

May 40 kumpanya ang makikibahagi sa dalawang-araw na MB Job Fair sa pag-asang matatanggap mula sa napakaraming trabahong iaalok, lokal man at sa ibang bansa. Bukod sa mga job opening mula sa mga kumpanyang BPO, iaalok din hanggang bukas ang mga trabaho sa multimedia, banking, nursing, office administration, insurance, sales, at maraming iba pa.

Nasa 16,000 aplikante ang nakibahagi sa mga job fair noong nakaraang taon, nang walong magkakaibang lokasyon sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan ang binisita ng MB. Sa bilang na ito, mahigit 1,600 ang agad na nagkatrabaho.

Sa unang bahagi ng taong ito, isinagawa ng MB ang una nitong job fair sa Baguio City at 73 aplikante ang agad na nagkatrabaho. Patuloy na dumarami ang matatagumpay na job hunters na ito habang nagpapatuloy ang MB sa pagsasagawa ng mas maraming job fair.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang sa mga na-hire on-the-spot sa MB job fair sa Quezon City sina Marjorie Centeno, Jill Mariz Zapanta, Maryse Barnachea at Kimberly Reyes. Tinanggap sina Centeno at Zapanta bilang customer service representative ng kumpanyang BPO na Customer Contact Channels (C3). Samantala, sa AFNI Philippines naman nakasumpong ng trabaho sina Barnachea at Reyes.

Magbibigay din ng job hunting tips ang mga career expert sa dalawang araw na job fair. Ngayong hapon, si MB External Affairs Head Barbie Atienza ang magsisilbing speaker, habang si Lyceum of the Philippines HR Director Myrna Reyes naman ang magsasalita sa job fair bukas. Tatalakayin nina Atienza at Reyes ang mga panuntunan kung paano magiging kapansin-pansin ang isang resumé at magbibigay din ng tips para maging matagumpay ang isang job interview.

Sa pamamagitan ng mga job fair ng nangungunang pahayagan sa bansa, nakatutulong ito sa gobyerno sa pagsugpo sa unemployment at underemployment. Sa unang bahagi ng taong ito, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang employment ay tumaas ng “2.8 percent to 37.5 million from 36.4 million in the same period last year”. Idinagdag nito na “1.04 million Filipinos were employed from January 2014 to January 2015, almost four times the 281,000 jobs generated in the previous year”. (Irene V. Fernando)