Sa ika-146 kaarawan ni General Emilio F. Aguinaldo ngayong Marso 22, ginugunita ng sambayanan ang Pangulo ng unang Republika ng Pilipinas, ang dakilang leader na Pilipino na buong katapangang nakipaglaban upang matamo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng Kastila at Amerikano. Sa palayaw na “Miong”, pinararangalan siya sa kanyang papel sa kasaysayan ng Pilipinas, pinagyaman ng kanyang pamanang nasyunalismo, katapangan, at pagsisikap upang matamo ang mga karapatan at benepisyo ng mga beteranong Pilipino.
Kabilang sa kanyang mga inapo ay ang apo sa pamangkin na si Cesar A. Virata na naging Prime Minister mula 1981 hanggang 1986; apo na si Ameurfina A. Melencio Herrera na Associate Justice ng Supreme Court mula 1979 hanggang 1992; at apo sa tuhod na si Joseph Emilio A. Abaya, na Secretary ngayon ng Department of Transportation and Communications.
Iprinoklama ni Aguinaldo ang Kasarinlan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898, mula sa balkonahe ng kanyang tahanang sinilangan sa Kawit, Cavite, habang iwinawagayway ang watawat ng Pilipinas sa musika ng National Anthem na tinugtog sa unang pagkakataon. Sa proklamasyong iyon tinapos ang halos apat na siglong pananakop ng Kastila sa bansa. Noong Enero 23, 1899, pinanumpa siya sa tungkulin sa Barasoain Church bilang Unang Pangulo ng bagong Republika na itinatag ng Malolos Congress, at nanungkulan hanggang Abril 1, 1901.
Itinayo noong 1845, ang tahanan ni Aguinaldo na nasa pangangalaga ng National Historical Institute of the Philippines, ay isang pangunahing tourist destination na may isang museo kung saan naka-display ang kanyang memorabilia at salaysay ng kasaysayan ng Pilipinas. Noong Hunyo 12, 1963, ipinagkaloob iyon ni Aguinaldo sa gobyerno, at noong Hunyo 18, 1964, idineklara itong isang National Shrine bilang pagtalima sa Republic Act 4039. Taun-taon sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, ang shrine ang sentro ng mga programa – pagtataas ng bandila, pag-aalay ng mga bulaklak, pagtatalumpati, parada, at educational tour.
Mga magulang niya ang gobernadorcillo na si Carlos Aguinaldo at Trinidad Famy. Naging cabeza de barangay si Aguinaldo ng Binakayan sa edad na 17, at unang capitan municipal ng Kawit sa edad na 26. Noong 1895, umanib siya sa Katipunan kung saan umangat siya sa puwesta ng general, gamit ang pangalang pandigma na Magdalo. Nilagdaan niya ang Pact of Biak-na-Bato at sa Hong Kong nagpakulong noong Disyembre 1897, ngunit nagbalik sa Pilipinas noong 1898, nagtatag ng isang provisional government, nagbalangkas ng bagong Konstitusyon, at idineklara ang Pilipinas bilang isang republika, na naaprubahan noong Enero 23, 1899, at nahalal siyang Pangulo.
Sa pagkakahuli sa kanya ng puwersang Amerikano sa Palanan, Isabela noong 1901 ang nagtapos sa Unang Republika. Noong 1950, naitalaga siya sa Council of State. Nagretiro siya sa kanyang sakahan sa Cavite at nagsikap na matamo ang interes ang kapakanan ng mga beterano, sa pamamagitan ng Asociasion de los Veteranos de la Revolucion. Noong 1962, matapos palitan ang Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 sa Hunyo 12, dumalo siya sa makasaysayang seremonya 64 taon matapos niyang ideklara iyon. Pumanaw siya noong Pebrero 6, 1964.