MARAMING tradisyon sa Mahal na Araw ang binibigyang-buhay. Ang mga tradisyon ay nakaugat sa kultura ng Pilipinas. Nagbibigay-kulay sa kabanalan ng Semana Santa. Bagamat maraming paraan ng paggunita sa Semana Santa, ang dalawang tradisyon na natatangi at maipagmamalaki ay ang Pasyon at Pabasa.
Ang Pasyon at Pabasa ay karaniwang tanawin sa mga bayan sa lalawigan. Ginaganap sa mga tahanan lalo na sa bahay ng mga may-ari ng imahen na isinasama sa prusisyon kung Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay. Ginagawa rin sa loob ng simbahan at mga kapilya Ayon kay Padre Pedro Chirino, isang misyonerong Hesuwita sa kanyang sinulat noong 1603, ang pag-awit ng mga papuri ay isa sa mga bagay na nakaakit sa mga Kastila nang dumating sila sa Pilipinas. Ang kaugaliang ito diumano ang maaaring pinagmulan ng Pabasa na ginagawa tuwing sasapit ang Semana Santa.
Ang Pasyon na ginagamit sa mga Pabasa kung Semana Santa ay isang epikong patula na nagsasalaysay ng mga hirap at pagpapakasakit ni Kristo. Nagsisimula sa Paglalang (Creation) hanggang sa Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birhen (Assumption) May apat na Pasyon ang nasulat noong panahon ng Kastila. Ang una ay ang sinulat ni Gaspar Aquino de Belen noong 1704. Ang ikalawa ay sinulat naman ni Don Guian noong 1750. Ang nagsisinunod na sumulat ay sina Padre Mariano Pilapil noong 1814 at Padre Aniceto de la Merced noong 1856. Sa apat na Pasyon ang sinulat ni Padre Mariano Pilapil ang naibigan ng tao. Isinalin ito sa lahat ng malaganap na dialect sa Pilipinas gaya ng Bicol, Iloco, Bisaya at Kapampangan. Hanggang ngayon, ang Pasyong Pilapill ang ginagamit sa mga Pabasang Bayan sa mga bayan sa lalawigan.
Sa mga bayan sa Rizal kung Kuwaresma at bago sumapit ang Semana Santa ay nagdaraos ng Pabasang Bayan at tampok dito ang mga senior citizen at ilang kabataan sa pagbasa ng Pasyon. Sa pagtataguyod ito ng pamahalaang bayan bilang bahagi ng pakikiisa sa paggunita ng Semana Santa. Sa Pilililla ay ginanap nitong Marso 21-22 sa simbahan ng Saint Mary Magdalene parish. Ayon naman kay Morong, Rizal Mayor Mando San Juan, ang Pabasang Bayan sa Morong ay gagawin sa Marso 28 sa covered court, malapit sa makasaysayang simbahan ng Morong. Ang Pabasang Bayan sa Morong na pagpapahalaga sa tradisyon ay proyektong pangkultura ng Sanggunian Bayan at pakikiisa sa paggunita ng Semana Santa.