Laro ngayon: (University of Southeastern Philippines-Davao City)

5 pm Talk N Text vs. Purefoods

Kababalik pa lamang sa winning track na nagluklok sa kanila sa unahan ng team standings, tatargetin ng Talk ‘N Text na muling magtala ng back-to-back wins sa pagsagupa sa defending champion na Purefoods Star sa isa pang road game ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.

Sa ganap na alas-5:00 hapon magtutuos ang Tropang Texters at ang Star Hotshots sa University of Southeastern Philippines sa Davao City.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

May hawak na barahang 6-2 (panalo- talo), kasunod sa naitalang 96-88 panalo noong Marso 1 kontra sa Globalport, haharapin ng Tropang Texters ang Hotshots na gaya nila ay nakabalik din sa winner’s circle makaraang dumanas ng tatlong sunod na kabiguan. Nanaig sila sa San Miguel Beer noon ding Marso 1, 113-105, via overtime.

Sa tulong ng nagbalik nilang resident import na si Marqus Blakely na nagsilbing practice player nila matapos ang All-Star Weekend, inaasahan ni coach Tim Cone na maganda ang ipakikitang laro ng kanyang mga player na kinakitaan ng kakaibang sigla sa pagbabalik ni Blakely.

Katulong din nila si Blakely sa pagsasanay sa kasalukuyang import na si Denzel Bowles upang ganap na makapag-adjust sa kanilang mga play, partikular sa triangle offense.

Ayon kay coach Cone, pinataas ng presensya ni Blakely ang enerhiya ng Purefoods.

“He’s (Blakely) like Ping ( Mark Pingris), because everytime he steps on the floor he’ll go a hundred miles per hour. There’s no let-up for him,” ani Cone sa isang panayam.

Sa panig naman ng Tropang Texters, ayon kay coach Jong Uichico, kailangan nilang manatiling nakapokus sa mga nalalabi nilang laro sa eliminations kung saan ay target nilang tumapos sa top two spots, partikular ang import na si Ivan Johnson na aniya’y hindi pa sana’y sa istilo ng depensa sa PBA.