Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), partikular na ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na magparehistro para sa May 2016 presidential elections.

Ang panawagan ni Comelec Commissioner Al Parreño ay kasunod ng pagtatayo ng simbolikong special voters’ registration sa Camp Darapanan na headquarters ng MILF sa Sultan Kudarat.

Ayon kay Parreño, layunin ng satellite registration na mabigyang pagkakataon ang lahat, maging ang mga opisyal, miyembro at tagasuporta ng MILF, na makapagparehistro at mag-update ng kanilang record.

Ilan sa mga nagparehistro na ay kabataang miyembro ng MILF na first-time voter, at si Von Al-Haq, hepe ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng MILF na noong snap elections ng Pebrero 1986 huling nakaboto.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Nabatid na ipinarehistro na rin ng MILF ang kanilang sariling partido na United Bangsamoro Justice Party bilang paghahanda sakaling matuloy ang isinusulong na pagtatatag ng bagong Bangsamoro entity.

Bagamat dumalo si MILF Vice Chairman Ghadzali Jaafar ay hindi naman ito nagparehistro dahil hihintayin muna raw niyang maipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Naniniwala naman si Parreño na makatutulong ang kanilang ginawa para sa isinusulong na kapayapaan sa Mindanao.