Sinabi kahapon ng Malacañang na handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagtanggol ang bansa sakaling may maglunsad ng digmaan laban sa gobyerno.

Gayunman, binigyang-diin ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay nananatiling katuwang ng gobyerno sa pagsusulong ng kapayapaan.

Pinabulaanan din niya ang posibilidad na maglulunsad ang MILF ng digmaan laban sa gobyerno, gaya nang nakipaggiyera ang MILF sa militar matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang MOA-AD.

“Lahat ng pahayag ng Pangulo at lahat ng kanyang pagsasalita hinggil dito ay nandoon sa aspeto na itinuturing ang MILF ng pamahalaan na partner o katuwang dito sa prosesong pang kapayapaan,” ani Coloma.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Binanggit na rin ng Pangulo sa kanyang mga nakaraang talumpati na simula noong nagkasundo sa Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) ay napanatili ng MILF ‘yung katahimikan,” sabi pa ni Coloma.

“Wala namang violent clash na naganap sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF kaya ‘yan pa rin ang batayan ng posisyon ng pamahalaan,” dagdag pa niya.

“Gayunpaman, ang ating Sandatahang Lakas ay nakahandang harapin ang anumang banta na manggagaling sa anumang sektor dahil tungkulin ng pamahalaan na tiyakin yung kaligtasan at kapanatagan ng ating mga mamamayan,” sabi pa ni Coloma.

Nakipagpulong nitong Lunes sa Malacañang si Pangulong Aquino sa mga pinuno ng Kongreso para talakayin ang engkuwentro sa Mamasapano at isa-isahin ang mga implikasyon nito sa prosesong pangkapayapaan, partikular sa pagpapatupad ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sinabi ni Coloma sa sa pulong ay pinlano ng mga kongresista na ipasa ang BBL sa committee level pagsapit ng Marso 20.