Nagpalabas na ang Sandiganbayan Fifth Division ng hold departure order laban kay dating Congressman Edgar Valdez at sa mga kapwa akusado nito sa kasong plunder at graft kaugnay sa multi-bilyong pisong pork barrel scam.
Inatasan ng Fifth Division ang Bureau of Immigration (BI) na ilagay si Valdez at kapwa akusado nito sa Hold Departure List upang hindi makaalis ang mga ito ng bansa nang walang kaukulang permiso ng korte.
Dating party-list representative ng Associate of the Philippine Electric Cooperatives (APEC), kinasuhan si Valdez ng paglabag ng Plunder Law at seven counts of violation of Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod kay Valdez, inilagay din sa HDO ang tinaguriang “pork barrel scam queen” na si Janet Lim Napoles, Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos. at kanyang mga staff na sina Rosario Nuñez, Lalaine Paule at Marilou Bare.
Inilagay din sa listahan ng HDO sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Marivic Jover, Evelyn de Leon, Roy Bongalo, Rosalinda Lacsamana, Consuelo Lilian Espiritu, Salvador Salacup, Eduardo Nolasco, Romulo Relevo, Victor Roman Cacal, Maria Niñez Guanizo, Allan Javellana, Rhodora Mendoza, Gondelina Amata, Gregoria Buenaventura,Emmanuel Alexis Sevidal, Chita Jalandoni, Sofia Cruz, Ofelia Ordoñez, at Eulogio Rofriguez.
Bukod sa Fifth Division, naglabas na rin ng HDO ang Third at Fourth Division ng Sandiganbayan laban sa dating kongresista at mga kapwa akusado nito sa pork barrel scam.
Matatandaan na naglabas na ng HDO ang Third Division laban kay dating Benguet Rep. Samuel Dangwa at sa 32 iba pang akusado, kabilang ang kanyang anak na si Erwin at si Napoles.
Habang nauna na ring naglabas ng HDO ang Fourth Division laban kay dating Masbate Rep. Rizalina Seachon-Lanete at 31 kapwa akusado, kabilang ang kanyang staff na si Jose Sumalpong.