DIPOLOG CITY – Nahaharap ang Central Mindanao sa posibilidad ng panibagong mga karahasan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at militar kung mabibigo ang gobyerno na magkaroon ng back-up plan upang maiwasan ang pagkaunsyami ng prosesong pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi ni Davao City Mayor Rodrigo R. Duterte na kung hindi magkakaroon ng back-up plan ang gobyerno para sa Bangsamoro Basic Law (BBL), na inaasahan na ng publiko na tatanggihan ng Kongreso at Senado kasunod ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, ay posibleng manumbalik at lumala pa ang kaguluhan sa Central Mindanao.

“Dapat na magsilbi itong babala sa ating national leaders. May mga indikasyon na ng panibagong karahasan sa Central Mindanao area,” ani Duterte.

“Sana huwag nilang kalimutan na kung mabibigo ang peace negotiations, kami sa Mindanao ang unang magdurusa,” dagdag pa ng alkalde.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Nasa Dipolog City si Duterte at ang kanyang grupo nitong Biyernes bilang bahagi ng adbokasiya ng alkalde para baguhin mula sa Unitary Presidential at maging Federal Parliamentary ang gobyerno.

Nabatid din na ilang Kristiyanong grupong vigilante ang nagsimula nang armasan ang kanilang sarili bilang paghahanda sa inaasahan nang mga pag-atake ng mga rebeldeng grupo na Bangsamoro.

Mungkahi ni Duterte, bukod sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso at Senado ay dapat na bumuo rin ang gobyerno ng task group na magpaplano kung paano tutugunan ang panunumbalik ng kaguluhan sa Central Mindanao.

Iginiit ni Duterte na isang Federal State para sa Bangsamoro at mga Federal State para sa iba pang lugar sa bansa ang pinakamainam na alternatibo kung mabibigo ang BBL.