Nag-iimbestiga na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga ulat na ipinag-aalukan ang Pilipinas sa mga turista, na gustong makipagtalik sa mga menor de edad, bilang isa sa mga commercial sex tour getaways sa Asia.
Sinimulan ang imbestigasyon apat na araw makaraang umamin ang Singaporean na si Chan Chun Hong sa ilang kaso ng “transmitting obscene materials by electronic means, 3 counts of distributing information to promote commercial sex, and one count of having obscene films” at inamin din ng dayuhan na nag-organisa ito ng mga sex tour sa mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, Indonesia at Cambodia.
Sa isang panayam, kinumpirma ni NBI-Anti Human Trafficking Division Chief Cesar Nuqui na tumanggap ang kanyang opisina ng mga impormasyon tungkol sa pagkakaroon ng sex tour sa bansa at noong nakaraang taon pa ito sinisiyasat.
“Concern natin ito dahil nagbibigay ito ng maling mensahe na hindi ginagawa ng gobyerno ang trabaho nito na sugpuin ang mga kanilang ilegal na aktibidad, gayung proactive naman tayo laban sa human trafficking,” sabi ni Nuqui.
Ang isa sa maraming impormasyon sa sex tour na natanggap ng NBI, ayon kay Nuqui, ay ang karaniwang pagpapanggap ng mga sex tourist bilang mga casino player. Ang tour ay inorganisa ng isang may mga koneksiyon sa mga “girly” club na pag-aari ng mga dayuhan.
Aniya, bahagi ng itinerary ng mga tinatawag na casino players ang bumisita sa mga club, karaniwang nasa Maynila o Subic. Matapos mag-casino, ibibiyahe na ng shuttle ang mga turista patungo sa mga red light district na roon sila makikipag-usap sa mga prostitute.
“Kung nagustuhan nung turista ‘yung babae, i-inform niya sa sex tour organizer na gusto niya makasama sa hotel ‘yung babae. Tapos ‘yung babae raw ay ihahatid sa room nung client,” ani Niqui.
Aniya, nag-oorganisa rin ng sex tourism sa pamamagitan ng online chats, at base sa isa pang tip na natanggap ng NBI, maraming turista ang bumibisita sa Pilipinas para makilala nang personal ang mga menor de edad na nagla-live show online.