Nangangamba ang isang dating Moro National Liberation Front (MNLF) commander na kongresista na ngayon na lumala ang karahasan sa Mindanao kung hindi maipapasa at maisasabatas ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

“Kapag hindi maipasa, the war will continue. That’s the ultimate result,” sinabi ni Sulu 1st District Rep. Habib Tupay Loong sa mga mamamahayag sa isang news forum.

Isa si Loong sa mga nagtatag ng MNLF, na nilisan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong 1976. Ang MILF ang pangunahing partido sa panukalang BBL, ang legislative manifestation ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nilagdaan noong nakaraang taon ng grupo at ng gobyerno.

Una nang tinangong ng mga mamamahayag si Loong kung naniniwala siyang maipapasa pa ang BBL—tinaguriang “instrument of peace” sa Mindanao—sa termino ni Pangulong Aquino sa kabila ng madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Ang determining factor dyan at ang sitwasyon ngayon. Hindi natin inaasahan ang nangyari. Hindi kapani-paniwala ang twist of events,” anang mambabatas, tinukoy ang pumalpak na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Mamasapano, na 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) ang napatay ng mga miyembro ng MILF.

“Kung positibo ang magiging resulta ng fact-finding investigation ng Kongreso at Senado pabor sa BBL sa pinakamaagap na panahon, may malaking posibilidad na magtatagumpay ang peace initiative ng gobyerno sa panahon ni PNoy,” ani Loong.

Sa kasalukuyan, sinuspinde ng Kongreso ang deliberasyon sa BBL habang iniimbestigahan pa ang sagupaan sa Mamasapano.

Kaugnay nito, mas matinding kaguluhan din ang pinangangambahan sa ngayon ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman kung magpapatuloy ang suspensiyon sa pagtalakay sa BBL.

“Kung merong nangyaring untoward incident despite nung peace process, merong kang agreement, meron usapan, ano pa kaya kung wala na,” ani Hataman.

“Pero I hope hindi mangyayari at maging objective din ang MILF na either mag-antay sila sa darating na panahon,” dagdag niya.