Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska vs. San Miguel Beer
7 p.m. NLEX vs. Purefoods
Manatiling nakaluklok sa liderato ang tatangkain ngayon ng reigning champion Purefoods sa pagsagupa sa NLEX sa pagpapatuloy ng elimination round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa 3-way tie sa unahan ang Star Hotshots, Barako Bull at Meralco Bolts na may laro kahapon kontra sa Rain or Shine na pawang nagtataglay ng kartadang 3-0 (panalo-talo).
Ang unang tatlong naging biktima ng Star Hotshots, na hangad na muling makabalik sa kampeonato matapos ang naging kabiguan nila sa nakaraang Philippine Cup, ay ang Globalport, Alaska at Blackwater. Matatandaan na nakumpleto ng koponan ang isang makasaysayang grandslam.
Sa pagkakataong ito, masusukat ang galing ng bagong import ng Hotshots na si Daniel Orton, ang ipinalit sa injured na resident import nilang si Marqus Blakely na nakatakdang magbalik sa US upang doon magpagaling ng kanyang shoulder injury.
Sa kanyang huling laro sa Hotshots kontra sa Elite, kung saan pinangunahan pa nito ang koponan sa kanyang itinalang 23 puntos, 13 rebounds at 4 assists, binigyan ng payo ni Blakely si Orton na tumayong lider para sa koponan.
“Be the leader because as the import, you gotta be the level-headed one out there, not only showing by your actions, but your words help out, too,” ani Blakely kay Orton.
Tubong Oklahoma City ang 6-foot-10 na si Orton at dapat ay nakapaglaro na sa Purefoods kontra sa Blackwater ngunit kinailangan nitong ipahinga ang na-injured na kamay sa kanyang huling laro sa China.
Produkto ng University of Kentucky, si Orton ay nakapaglaro na rin sa NBA sa mga koponan ng Orlando Magic, Oklahoma City Thunder at Philadelphia 76ers.
Makakatapat naman niya ang kapwa niya NBA player na si Al Thorton sa kanilang pagtutuos ngayong alas-7:00 ng gabi matapos ang unang bakbakan sa ganap na alas-4:15 ng hapon sa pagitan nang nakaraang Philippine Cup finals protagonist Alaska at nagkampeong San Miguel Beer.
Sa pangunguna ni Thorton, dating manlalaro ng Los Angeles Clippers, Washington Wizards at Golden State Warriors, maghahabol ang NLEX upang makabangon sa nakapanghihinayang na 95-96 na kabiguan sa Alaska at umiwas na malaglag sa ilalim ng team standings na kinalalagyan ngayon ng Blackwater na wala pang panalo matapos ang unang tatlong laban.
Gaya ng Road Warriors, ito rin ang pagsisikapang gawin ng Beermen na nang maipanalo ang nakaraang Philippine Cup finals ay sumadsad sa unang dalawang laban sa second conference sa kamay ng KIA Carnival at Barangay Ginebra San Miguel.
Para naman sa kampo ng Aces, target nilang umangat sa ikatlong puwesto sa hangad na mapagtagumpayan ang ikalawang dikit na panalo sa loob ng tatlong laro para mapasama sa Rain or Shine na taglay ang kartadang 2-1.
Muli, sasandigan ng Aces ang kanilang defensive import na si DJ Covington na tumapos na may 24 puntos at 7 rebounds sa nakaraang panalo nila sa NLEX.