Matapos na ipasok sa starting lineup sa kanilang nakaraang dalawang laro, umangat ang galaw ni Rain or Shine combo guard Paul Lee.
Nagtala ang Rain or Shine gunner ng 8 sa huling 13 puntos upang pangunahan ang Elasto Painters tungo sa 96-91 panalo laban sa NLEX Road Warriors.
Tumapos siya sa laro na may 25 puntos, 4 rebounds at 3 assists kaya’t tinanggap niya ang best player honor sa naturang laban.
Muli na namang inulit ni Lee ang kanyang kabayanihan, may tatlong araw ang nakalipas, nang kanyang isalba ang Rain or Shine sa pamamagitan ng limang krusyal na foul throws sa dying seconds ng laban nila ng Globalport para maiposte ang 104-98 panalo.
Muling nagningning ang ipinagmamalaking anak ng Tondo sa kanyang ipinoste na 25 puntos at 5 rebounds kasabay sa pagbuslo sa lahat ng kanyang 10 free throws.
Dahil sa ipinamalas niyang performance, si Lee ang nahirang upang maging Accel-PBA Press Corps Player of the Week mula Pebrero 2-8.
At ang mahalaga ay naitala din ng Rain or Shine ang una nilang back-to-back win sa ginaganap na
PBA Commissioner’s Cup matapos mabigo sa una nilang laban kontra sa Talk ‘N Text, 89-86.
Nagtala ang dating shooting guard ng University of the East (UE) ng average na 25.0 points, 4.5 rebounds at 2.0 assists, habang naiposte din ang 57.1 percent shooting sa field at perpektong 16-of-16 sa foul line.
Ayon kay Lee, nais niyang makagawa ng impact bilang starter dahil isa siya sa mga inaasahan ni coach Yeng Guiao upang manguna sa koponan.
“Big challenge kasi para sa akin na every time i-start niya (Guiao) ako, dapat maganda agad ang start ko,” ayon Kay Lee.
“Pagtatrabahuhin ko lang siguro kasi tsina-challenge niya lang ako, pero maganda rin para sa akin ‘yun.”