Sa panahong ito na masyadong mapanukso ang kalansing ng salapi, tila imposibleng maulinigan ang isang prinsipyo sa buhay lalo na sa mga naglilingkod sa gobyerno: “Kahit isang kusing sa kaban ng bayan ay hindi ko ibubulsa”. Ibig sabihin, walang pagtatangkang mangulimbat sa salapi ng mga mamamayan, tulad ng mga nagaganap ngayon.

Ang naturang prinsipyo ay tinaglay ni Cornelio M. Baliao, Jr. hanggang sa kanyang kamatayan noong nakaraang Martes, Pebrero 3. Si Jun, tulad ng tawag sa kanya, ay matagal na naglingkod sa gobyerno – sa Office of the Press Secretary, bilang Admin-Finance officer. Siya ang namamahala sa mga tauhan at pananalapi ng naturang tanggapan.

Simula noong panahon ni Presidente Marcos, bahagi na siya ng tanggapan ng Pangulo ng bansa. Nagpalit-palit na ang mga liderato, naroroon pa rin siya. Naglingkod siya sa anim na Presidente – mula nga kay Marcos, at mga Pangulong sina Cory Aquino, Fidel Ramos, Gloria Macapagal-Arroyo, Erap Estrada at Noynoy Aquino.

Sa panahon ng kanyang paglilingkod sa gobyerno, kahit minsan ay hindi siya nasangkot sa mga alingasngas. Dahilan ito ng unti-unting pagtaas niya sa puwesto hanggang sa siya ay hirangin bilang Undersecretary hanggang sa kanyang pagreretiro. At bilang pagkilala sa kanyang katapatan, hinirang pa rin siya bilang isang consultant hanggang sa kanyang pagyao.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi lamang sa kanyang pagiging Admin-Finance officer nakatuon ang serbisyo ni Jun. Maraming pagkakataon na siya ay napapakiusapan kong sumulat ng mensahe, balita at lathalain noong kami ay magkasama sa Malacañang. Isa rin siyang maituturing na peryodista, tulad ng kanyang nakatatandang kapatid na si Ric Baliao, isang beteranong mediaman.

Iyan si Jun, isang matapat na lingkod ng bayan. Isang taos na pakikidalamhati sa kanyang mga mahal sa buhay. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.