Labing-tatlong personalidad, kabilang ang ilang dating opisyal ng Public Estates Authority (PEA), ang sinentensiyahan ng Sandiganbayan na makulong nang hindi hihigit sa walong taon dahil sa overpricing ng konstruksiyon ng President Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City na ginastusan ng gobyerno ng P500 milyon.
Kabilang sa napatunayang guilty sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay si dating PEA Board Chairman Frisco Francisco San Juan, at mga board member na sina Carmelita de Leon-Chan, Daniel Dayan, Salvador Malbarosa, Leo Padilla at Elpidio Damaso.
Idineklara ring guilty ng Sandiganbayan First Division sina Manuel Berina Jr., dating deputy general manager for operation and technical services; Jaime Millan, dating assistant general manager; Bernardo Viray, dating manager for technical services department; Theron Victor Lacson, dating general manager for finance; Raphael Pocholo Zorilla, project management officer; at Cristina Amposta-Mortel, dating manager ng legal department.
Ipinakukulong din ng anti-graft court ang kontratista ng proyekto na si Jesusito Legaspi, may-ari ng JD Legaspi Construction.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Rafael Lagos at kinatigan nina Division Chairman Efren de la Cruz at Associate Justice Rodolfo Ponferrado, ang lahat ng 13 akusado ay sentensiyadong makulong ng mula anim hanggang walong taon.
Hindi na rin sila maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at ipinababalik din ang ginastos ng gobyerno sa proyekto na P100,016,794.74 kasama ang interes.