PERSONAL na isinusulong ng bida ng Bagito na si Nash Aguas ang kahalagahan ng tamang paggabay sa mga kahenerasyon niya. Umaasa siya na sa pamamagitan ng online forum na “Bagito Hangout” ay makatutulong ang kanilang programa sa kabataang manonood.
“Para sa mga kabataang gaya ko na mas madalas na nakatutok sa Internet at social media, malaking bagay na may ‘Bagito Hangout’ na p’wedeng lapitan at hingan ng payo. Dahil sa panahon namin ngayon marami nang tukso at masasamang impluwensiya na posibleng ikasira ng aming buhay,” pahayag ni Nash tungkol sa online forum na bukas din para sa mga magulang na nag-aalala sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Ang “Bagito Hangout” ay ang inilunsad na online forum ng ABS-CBN at Center for Family Ministries (CeFaM) bilang tugon sa mga manonood na nangangailangan ng gabay kaugnay ng iba’t ibang problema sa pamilya, pakikipagkaibigan, at pag-ibig. Maaaring magpadala ng mga katanungan ang viewers sa mga counselor ng CeFaM sa http://bagito.abs-cbn.com/hangout simula Lunes hanggang Biyernes, 6:30 PM-7:30 PM.
Samantala, huwag palampasin ang kapana-panabik na mga tagpo sa Bagito, ang teleseryeng magmumulat sa isip at puso ng kabataan, gabi-gabi, bago mag-TV Patrol sa ABS-CBN Primetime Bida.