Nagpatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa bansa kahapon ng madaling araw.
Epektibo 12:01 kahapon ng madaling araw nang magtaas ang Shell ng 30 sentimos sa presyo ng kada litro ng gasolina habang tinapyasan ng 10 sentimos ang diesel.
Walang paggalaw sa halaga ng kerosene ng Shell.
Hindi naman nagpahuli at nagpatupad din ng kahalintulad na dagdag-bawas sa presyo ng gasolina at diesel ang Petron, Chevron, Seaoil, PTT Philippines at Phoenix Petroleum dakong 6:00 ng umaga.
Ang price adjustment ng petrolyo ay bunsod ng bahagyang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa taya ng Department of Energy (DoE) kahapon, inaasahang sa susunod na linggo ay bababa ang presyo ng langis.