MATAPOS isailalim ng Russia sa kapangyariyan ang Ukraine mula sa Ottoman Empire, naglakbay si Empress Catherine II patungong Crimea noong 1787. Ang gobernador, si Grigory Potemkin, ay nagtayo ng huwad na mobile villages sa baybayin ng ilog ng Dnieper upang mapaniwala ang empress at kasamang grupo nitong mga ambasador na marami nang progreso ang natamo roon. Sa ngayon ang terminong “Potemkin Village” ay nangangahulugan ng huwad na konstruksiyon, literal man o hindi, upang itago ang hindi kaaya-ayang situwasyon.

Ang pagsasama-sama ba ng may 11,000 maralitang pamilya na walang tirahan at ang paglalakbay ng mga ito lulan ng 14 na bus patungo sa isang resort sa Batangas upang alisin sila sa mga lansangan ng Maynila sa panahon ng pagbisita ni Pope Francis ay isang pagsisikap na itago ang isang hindi kaaya-ayang situwasyon? O iyon ba, tulad ng sinasabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nataon lang na alisin ang mga palaboy sa mga lansangan noong Enero 14-19 habang nasa bansa ang Papa? Unang lumabas sa British na peryodikong Daily Mail ang artikulo tungkol sa pagsasama-samang ito ng mga batang lansangan at inilipat sa ibang lugar “in a cynical drive to smarten up the Philippines” upang maging mas presentable ang bansa sa Papa.

Agad namang pinasinungalingan ito ng Malacañang at DSWD, na ito ay isang proyekto ng pamahalaan upang pagkalooban ang mga pamilyang walang tirahan ng libreng accommodations sa labas ng Maynila. Bahagi ng oryentasyon, ayon kay DSWD Secretary Soliman, ay “to familiarize themselves with a room with a door and toilets”. Dagdag pa ng Malacañang na dinala ang naturang mga pamilya sa isang resort sa Batangas para sa isang pagsusuri upang maging bahagi sila ng Conditional Cash Transfer (CCT) program.

Kalaunan, ang mga pamilya ang nagsabi mismo na mabuti ang kanilang kalagayan sa unang dalawa o tatlong araw, ngunit lumala ang situwasyon hanggang sa puntong nagkaroon ng gulo at may kumuha pa ng mga kutsilyo, at kinailangan pa ang pulisya upang ibalik ang kaayusan. Maraming bata ang nagsabi na na-enjoy nila ang mga palaro at ang paglunoy sa swimming pool, at sinabi naman ng isang lalaking vendor ng novelty items sa Roxas Blvd. na wala siyang kinita sa mga araw na dumating ang Papa.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Dahil sa insidente, nanawagan ang ilang kongresista upang ipa-audit ang pondo ng CCT na nagkakahalaga ng P62 bilyon ngayong taon. Bukod sa tila paggamit nito upang itago ang hindi kaaya-ayang situwasyon ng mga batang lansangan mula sa Papa, ang ideya ng ganitong uri ng ayuda na bilyun-bilyong piso ang halaga ay kinuwestiyon.

Ang ilan sa mga paliwanag ng Malacañang at DSWD ay mahina – tulad ng nanunuyong pahayag ni Secretary Soliman na nais lamang ng DSWD na sanayin ang street families sa paggamit ng mga silid at palikuran. At sa pahayag na dinala sila sa resort sa Batangas upang pag-aralan ang posibleng pagkabilang nila sa CCT program, hindi nangangailangan iyon ng isang linggong pananatili sa isang resort.

Walang duda na may ilang opisyal ang nagtatangka ng isang Potemkin solution dito upang itago ang hindi kaaya-ayang katotohanan na ang mga lansangan ng Metro Manila ay puno ng maralitang mamamayan na walang mga tahanan. Ngunit kung ang insidenteng ito ang magpapakilos sa gobyerno upang harapin ang problema ng kahirapan at magkaroon ng matibay at gumaganang solusyon, magagamit ito sa tamang paraan.