Dinispatsa ng Far Eastern University (FEU) ang University of the Philippines (UP) upang agawin ang ikatlong posisyon sa men`s division sa isang dikdikang 5-setter, 25-21, 25-18, 18-25, 22-25, 15-10, kahapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nagtala ng 23 puntos si Greg Dolor na kinabibilangan ng 20 hits at 3 blocks para pangunahan ang nasabing panalo ng Tamaraws, ang kanilang ikatlo sa loob ng walong laro na nagbaba naman sa Maroons sa barahang 3-6 (panalo-talo).
Nag-ambag naman ang kanyang kakampi na si Jake Gacutan ng 14 na puntos habang tumapos naman na top scorer para sa UP si Evan Grabador na nakapagtala ng 13 puntos.
Una rito, nagpatuloy naman ang pasakit para sa season host University of the East (UE) nang malaglag ito sa ikawalong sunod na pagkabigo sa kamay ng De La Salle University (DLSU), 15-25, 25-22, 20-25, 22-25.
Nagtala si Anthony Frey ng 16 puntos na sinundan nina Arjay Ona, Cris Dumago at Aaron Calderon na nakaiskor ng 15, 13 at 12, ayon sa pagkakasunod para giyahan ang Green Spikers sa kanilang ikalawang panalo kontra sa pitong talo.
Nauwi naman sa wala ang game-high 22 puntos ni Edwrad Campusano dahil hindi nito nagawang maipanalo ang UE.