Nagsumite ang Philippine Swimming Incorporated (PSI) ng kabuuang 81 swimmers na asam nilang isabak sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa darating na Hunyo 5 hanggang 16.

Gayunman, tila kaduda-duda ang listahan para sa Team Philippines Southeast Asian Games Management Committee dahil tatlo lamang sa nasabing isinumiteng talaan ang miyembro ng pambansang koponan habang wala man lamang rekord o anumang datos ang ibang nakatalang mga atleta.

“Tatlo o apat pa rin ang qualify sa swimming,” sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na kasama sa komite ni Philippines Chef de Mission at Philippine Olympic Committee (POC) Treasurer Julian Camacho. “They submitted a total of 81 names pero walang time lahat.”

Tanging kuwalipikado sa isinumiteng long list ng PSI ang Olympian na si Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna at maging ang beterano sa Incheon Asian Games na si Joshua Hall.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

“We don’t know if they will enter two swimmers in every events,” pahayag pa ni Garcia. “Para kaming manghuhula sa komite na isa-isang huhulaan kung mananalo ba ang iniligay nila sa listahan. Hindi lamang swimming kundi pati na rin iba pang NSA’s.”

Base sa isinumiteng listahan ng PSI sa komite ay nakatakdang lumahok ang mga atleta sa diving, swimming, synchronized swimming at water polo.

Nakatakdang sumali ang Pilipinas sa 33 sports mula sa paglalabanang 36 kung saan ay hangad na maiuwi ang kabuuang 45 hanggang 50 gintong medalya at mapaganda ang masaklap na huling kampanya sa nakalipas na edisyon ng kada dalawang taong torneo noong 2013 sa Myanmar.

Samantala, iniulat na posibleng hindi makalaro ang top netter ng bansa na si Fil-Am Conrad Treat Huey dahil halos magkakasabay ang SEA Games at ang lalahukan nitong torneo na Wimbledon Open.

Inaasahan din na magpapadala ng kumpletong delegasyon ang Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) na lalahok naman sa kabuuang 45 na events sa athletics.