Nakatakdang tanggalin ng Philippine Sports Commission (PSC) sa priority list ang mga boksingerong sina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez bunga sa paglahok nila sa propesyonal na torneo na inorganisa ng International Amateur Boxing Association (AIBA).
Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na malaking kaguluhan sa mandato at atas ng ahensiya kung patuloy na susuportahan nila sina Barriga at Suarez dahil sa hindi na ito magseserbisyo sa bansa at lumalaban na lamang sila bilang propesyonal.
“Sisingilin kami ng PAGCOR sa ibinibigay namin na allowance sa kanila at posible pa kaming mademanda dahil sinusuportahan namin ang professional boxing at hindi pa nila ipriniprisinta ang Pilipinas,” sinabi ni Garcia.
Base sa Republic Act 6847, tanging ang amateur lamang ang maaring suportahan ng PSC kung saan ay kinukuha nila ang pondong pangtustos sa pambansang atleta sa National Sports Development Fund (NSDF) na nagmumula naman sa kinikita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Paano mo sasabihin na hindi sila propesyonal eh lumalaban ka sa loob ng walong round. Tapos lalaban na ulit sa Olympics ng tatlong round ka lang sasabak,” giit ni Garcia. “Kumikita din sila kapag lumalaban sila na mas malaki pa ang kanilang kinikita kumpara sa ibang lokal na boksingero.”
Buwanang sinusuportahan ng PSC ng kabuuang P40,000 at dagdag na P40,000 kung magsasanay sa labas ng bansa sina Barriga at Suarez upang mapanatili nila ang kanilang pagiging kompetitibong kampanya para naman sa pagsabak nila sa mga internasyonal na torneo mula sa SEA Games, Asian Games at Olympics.
Posible rin na tuluyang alisin sa pambansang koponan sina Barriga at Suarez dahil sa kinuwestiyon ng Games and Amusements Board (GAB) ang pagsabak nila sa propesyonal na torneo kung saan ay kumikita sila at nararapat silang kumuha ng lisensiya at patawan ng tax sa bawat laban.
Una nang ipinaliwanag ni Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) Executive Director Ed Picson na kakaiba ang inoorganisang AIBA Pro Boxing na isang torneo para mas pag-ibayuhin ng mga boksingero ang kanilang tibay at tatag dahil nakataya ang silya sa 2016 Rio Olympics.
Gayunman, base sa AIBA ay lahat ng boksingero na mapipili sa torneo ay may karapatang magwagi ng cash prize habang ang kanilang national federations ay makakakuha ng porsiyento, ayon sa pangulo ng AIBA na si CK Wu ng Taiwan para masustenahan ang pagpapalago ng sport.
Ang mga kasaling boksingero ay may tsansang makapagwagi ng pinakamataas na $100,000 premyo sa mga hindi popular na weight classes habang sa mga popular na weight divisions ay aabot sa $250,000.