ICON NG PILIPINAS ● May lumabas na ulat na sasakay ng mapagkumbabang pampasaherong jeepney si Pope Francis bilang kanyang popemobile sa paglalakabay niya sa bansa. Ayon sa mga organizer, ang jeepney kasi ang simbolo ng Pilipinas sapagkat matatagpuan ito sa halos sa lahat ng dako ng bansa. Sasakay si Pope Francis sa isang jeep na dinisenyo lamang para sa kanya na magsisilbing popemobile niya habang nasa bansa.

Itinuring ang jeep bilang “King of the Road” sa dalawang dahilan: (1) Kapansin-pansin ang makukulay na debuho, anyo, at palamuti sa jeep na kahit malayo pa ay alam mo nang jeep iyon, dahil na rin sa ingay na dulot ng malalakas na musika, at iyon lang ang ganoong uri ng sasakyan sa kalye; at (2) Marami-raming jeepney driver ang barumbado, kung saan-saan nagsasakay at nagbababa ng pasahero kahit sa gitna ng kalye kaya kung may dala kang sariling sasakyan, sila ang iingatan mo – ang hari ng kalye! Pero nililinaw ko na hindi lahat ng jeepney driver barumbado. Ang jeep ni Lolo Kiko ay puti at tiyak namang ligtas siya sa sasakyang iyon, ayon sa mga organizer. Napabalita kasi na ayaw ni Lolo Kiko ng magarbong paghahanda kaya pati sasakyan na laan para sa kanya ay kailangang simple at hindi mamahalin. Sa popemobile kasi pakiramdam niya ay para siyang nasa loob ng lata ng sardinas. Pagdating ng panahon, sa mga aklat at magazine, makikita si Pope Francis sa mga larawan at nakasakay siya sa pampasaherong jeepney; masasabi ninuman na siya ay nasa Pilipinas sa mga panahong iyon sa larawan. Sa Pilipinas lang kasi may jeepney, isang icon na tunay na Pilipino.

***

PARA ANO? ● Ano ba ang mahihita nating mga Pilipino sa espesyal na pagbisitang ito ni Pope Francis? Para sa ilang hindi Katoliko, ordinaryong mga araw lamang ang Enero 15-19, pero makikinabang sila sa bakasyon grande na iniukol dito; ngunit para sa mga Katoliko, hindi lamang ito isang pagdating ng isang kinatawan ni Jesus sa ating bansa. Ang pagbisitang ito ay isang pagkakataon upang ilutang ang ating pagkakaisa bilang isang bansa; isang paggunita na minsang nagmamahalan at nagdadamayan ang mga mamamayan na maaaring ipanumbalik ang kaugaliang iyon na lantay sa lahing Pilipino; isang pagmulat sa bansa na kailangan na nitong magbalik sa Diyos sapagkat nalulunod na si Juan dela Cruz sa kamunduhan, sa kasalanang dulot ng kahinaang gawin ang tama. Tungkulin ni Pope Francis ang ipaalala sa atin na pairalin ang ating awa at pagmamalasakit sa kapwa nang umahon ang bansa sa kinasasadlakan nitong dusa.
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists