Nangangalap ang University of Santo Tomas (UST) ng karagdagang 5,000 Thomasian student-volunteer na bubuo ng human barricade sa pagbisita ni Pope Francis sa campus grounds sa España, Maynila sa Enero 18.

Sa panayam ng Varsitarian, sinabi ni Evelyn Songco, assistant to the rector for student affairs, na nangangailangan ang UST ng 10,000 student-volunteer subalit 5,000 pa lang ang nagkumpirmang makikibahagi sa okasyon hanggang nitong Miyerkules.

Dahil dito, sinabi ni Songco na pinalawig pa ng unibersidad ang cutoff date sa pagtanggap ng volunteer hanggang Martes, Enero 16.

Makikibahagi rin sa pagbuo ng human barricade ang mahigit 200 faculty at support staff ng unibersidad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinaalalahanan ni Songco ang mga dadalo sa papal event sa UST na hindi papayagan ang mag-camping sa loob ng paaralan.

Hindi rin papayagang makapasok ng campus ang mga estudyante simula Enero 15 matapos suspendihin ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang klase at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Enero 15-19.

Maaari namang mag-overnight ang mga Thomasian papal volunteer at cluster head sa Tan Yan Kee Student Center, St. Raymund de Peñafort Building, Benavides High School building, at St. Martin de Porres building. - Leslie Ann G. Aquino