Balak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang suspendihin ang operasyon ng ilang pampasaherong bus na bumibiyahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kasabay ng pagdating at pag-alis ni Pope Francis sa bansa sa susunod na linggo.

Sinabi ni LTFRB Chairman Winston Ginez na nakipagpulong siya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang talakayin ang suspensiyon ng biyahe ng mga bus na dumaraan sa NAIA upang matiyak ang kaligtasan ng mga bus driver at pasahero.

“Sususpendihin ang kanilang operasyon sa partikular na mga oras lamang at hindi sa buong panahon ng pananatili ng Papa sa Manila,” nilinaw ni Ginez.

Iginiit ni Ginez na posibleng malagay sa panganib ang kaligtasan ng mga driver at pasahero ng bus kung patuloy na bibiyahe ang mga ito sa pagdating at pag-alis ni Pope Francis sa bansa. - Czarina Nicole Ong
National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras