Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang mahigit 40 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P480 milyon mula sa isang cargo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.

Nadiskubre ang kotrabando sa cargo ng Modern Century Air Freight Ltd. na galing sa Hong Kong, ayon kay BoC Deputy Commissioner for Enforcement Ariel Nepomuceno.

“Nasamsam ang mga ito ng Customs police sa NAIA Paircargo,” pahayag ni Nepomuceno.

Ito ang buena manong pagsamsam ng Customs sa malaking bulto ng shabu ngayong 2015.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tinukoy ng BoC ang kumpanyang Yuhangda Logistics Co., Ltd. na nagpadala ng cargo na roon ikinubli ang shabu na idineklarang “water pumps” ng consignee nito na si Danilo Pineda, ng 412 Asuncion Street, Manila.

Ayon sa imbestigasyon, dumating ang kontrabando noong Disyembre 28 lulan ng flight CX-903 mula sa Hong Kong.

Napag-alaman din ng mga imbestigador ng BoC na si Pineda ang isang dating delivery man ng door-to-door service company.

Hinintay munang personal na kunin ni Pineda ang shipment sa cargo area bago ito inaresto ng mga tauhan ng BoC, ayon sa ulat. (Raymund F. Antonio/ Ariel Fernandez)