Umapela ang isa sa mga may-akda ng divorce bill sa liderato ng Kamara na bigyan ng pagkakataong matalakay ang panukala sa pagbabalik ng sesyon ng Mababang Kapulungan sa Enero 20.

Hinikayat ni Gabriela Party-list Rep. Luzviminda Ilagan si Speaker Feliciano Belmonte na huwag munang isara ang pintuan sa panukala na nilalangaw simula pa noong 13th Congress.

“Nakabimbin pa rin ang divorce bill sa komite. Hindi pa rin kami susuko,” pahayag ni Ilagan tungkol sa House Bill No. 4408.

“The bill is important if only to open up discussions about the issue and to respond to a need expressed by thousands of couples, women especially who seek another option (aside from the difficult expensive annulment and the inadequate legal separation) to ending a problematic union,” giit ng kongresista.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iginiit ni Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus na pinakamainam na solusyong legal ang divorce bill para sa mga mag-asawang hindi na magkasundo dahil ang proseso ng annulment ay napakagastos at kumplikado para sa ordinaryong mamamayan.

Una nang ideneklara ni Belmonte na hindi makalulusot ang divorce bill sa 16th Congress dahil hindi ito kabilang sa mga prayoridad na panukala ng Kamara.

Inabisuhan ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas sina Ilagan at De Jesus na unahin ang pag-amyenda sa Konstitusyon bago isulong ang pagsasalegal ng diborsiyo sa bansa.

Aniya, kung target ng dalawang mambabatas na maipasa ang HB 4408, dapat din nilang isipin na posibleng mabago ang Article XV, Section 2 ng 1987 Constitution na nagbibigay ng proteksiyon sa kabanalan ng kasal.