Ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang kahilingan ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na baligtarin ang unang desisyon nito na payagan ang anti-graft court na gamitin ang mga ledger ng pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy bilang ebidensiya sa pagdinig ng kasong plunder na kinakaharap ng senador.
“Accused Estrada’s repeated warnings on criminal prosecution against Benhur Luy are misplaced in these proceedings,” saad sa resolusyon na nilagdaan nina Chairman Roland Jurado, Associate Justice Alexander Gesmundo at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta noong Disyembre 9.
Dahil dito, maaari nang iharap sa korte ng kampo ni Luy ang external hard drive na naglalaman ng umano’y ledger na nakasaad ang mga mambabatas at iba pang indibiduwal na nabiyayaan ng komisyon sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Unang hiniling ng kampo ni Estrada na baligtarin ng Fifth Division ang unang desisyon nito na inilabas noong Oktubre 31 na pumapayag na magamit bilang ebidensiya ang ledger ni Luy sa pagdinig sa kaso ng senador.
Nagbabala si Estrada na ang pagpiprisinta sa ledger ay isang krimen bilang paglabag sa RA 8792 (Electronic Commerce Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act).
Dahil kinopya ni Luy ang mga file sa kanyang external hard drive mula sa computer ng JLN Corporation na pag-aari ng tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles sa tanggapan ng huli noong 2012, iginiit ni Estrada na maaari itong ituring na “hacking o cracking”.