Tiniyak ng mga miyembro ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOA) sa mga pasahero na hindi magtataas ng pasahe ang mga bus na biyaheng lalawigan sa harap ng posibilidad na magtaas ang toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway at Manila-Cavite Expressway (Cavitex) sa 2015.
Sa isang pahayag, sinabi ni Alex Yague, PBOA executive director, na nagdesisyon ang mga miyembro ng mga grupo ng bus operator na tumalima sa provisional authority na ipinalabas noong Mayo 17, 2008 na nagtatakda sa pasahe ng mga provincial bus sa P9 para sa unang limang kilometro at karagdagang P1.40 sa kada kilometro para sa mga ordinary o hindi airconditioned na mga bus.
Ang mga regular air-conditioned bus ay sisingil ng P9 sa kada kilometrong biyahe at may P1.80 dagdag sa mga susunod na kilometro habang ang mga air-con deluxe ay P1.70/km at ang luxury ay nasa P2.25 kada kilometro.
Sinabi ni Yague na ang nasabing mga pasahe ang umiiral simula noong 2008 at nananatili ito sa kabila ng pagtaas ng mga toll fee, pagtapyas sa presyo ng petrolyo at pagmamahal ng gastusin sa pagmamantine, bukod pa sa tumataas na inflation rate.
Ayon kay Yague, pinili ng mga kumpanya ng bus na sagutin ang tumataas na presyo ng motor oil at motor parts sa nakalipas na anim na taon, sinabing ang presyo ng motor oil ay tumaas mula P86 kada litro ay naging P132/liter ngayong 2014 habang ang presyo ng gulong at iba pang piyesa ng bus ay tumaas ng 38 porsiyento mula 2008 hanggang 2014.
Gumastos din ang mga provincial bus operator ng malalaking halaga sa pagkakabit ng mga GPS (Global Positioning System), speed limiter at iba pang accessories upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.