Simula na ang Christmas rush kaya asahan na ang matinding trapik sa Metro Manila sa kabila ng mga ipinatutupad na hakbang ng gobyerno upang maiwasan ang pagbubuhul-buhol ng daloy ng mga sasakyan.

Base sa monitoring ng MMDA Metrobase, usad-pagong ang mga sasakyan sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan simula 10:00 ng umaga kahapon, bagamat lagpas na sa 7:00 hanggang 9:00 ng umaga na itinuturing na rush hour.

Tuwing gabi, mas matindi ang trapik sa EDSA, partikular sa rush hour mula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.

Ang nakalulungkot na balita, ito ay inaasahang magpapatuloy hanggang matapos ang holidays.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Dahil sa matinding trapik, sinabi ni Henaro Lapitan, jeepney driver, na sobrang ang pagsisiksikan sa kanyang ruta kaya inaabot sa halos apat na oras ang biyaheng Baclaran-Alabang na dati’y dalawang oras lamang.

Ayon kay Lapitan, ang kinukumpuning Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Elevated Expressway ang dapat sisihin sa matinding trapik.

“Noon, kumpleto na ang P700 boundary ko mula 4:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali. Subalit dahil sa grabeng trapik, nakukumpleto ko ang boundary 4:00 na ng hapon,” ayon kay Lapitan.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang pagdami ng bilang ng mga sasakyan na bumibiyahe sa Metro Manila ngayong papalapit ang Pasko ang dahilan ng pagkakabuhul-buhol ng trapik.

Bukas, sinabi ni Tolentino na asahan ang pinakamalalang trapik sa Metro Manila dahil sa mga Christmas party at huling hirit ng pagbili sa mga shopping mall at paghahatid ng mga regalo.

Ayon pa kay Tolentino, nagtalaga na ng karagdagang 400 traffic constable sa Metro Manila, partikular sa EDSA, na magmamando ng trapik mula 4:00 ng hapon hanggang hatinggabi.