ISULAN, Sultan Kudarat— Hanggang sa mga ulat na ito ay isang katotohanan na ang babuyan, manukan, at kambingan ay patuloy na pinagyayaman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sultan Kudarat kung saan ito ay makikita sa bahagi ng Barangay Kalandagan, Lungsod ng Tacurong, lalawigan ng Sultan Kudarat at napag-alamang personal na pinangangasiwaan ng Tanggapan ng Beterinaryo ng Sultan Kudarat sa ilalim nina Nelry Calvo at Edwin Nacito.

Napag-alaman sa mga tagapangasiwa na ang lugar ay binuo upang ipamahagi ang mga hayop sa naturan ng libre sa kada samahan o organisasyon ng mahihirap na mamamayan sa lalawigan na umaabot na sa daan-daang libong mga manok na “Kaber” ang naipamahagi, halos nasa 8,000 libong mga biik at di na malamang bilang ng mga kambing ang naipamahagi ng libre sa nasabing sektor.

Sinabi ni Nacito na naging patakaran ito na bago maglabas ng anumang hayop na ibibigay ay may kaukulang pag-aaproba ang gobernador at endorso ng mga sangkot na lider ng mga lokal na pamahalaan bilang patunay sa lehitimong sitwasyon o pag-iral ng isang kooperatiba, samahan o grupo ng mga taong kuwalipikado sa ilalim ng libreng programa.

Tiniyak ni Nacito na patuloy ang nasabing programa na prayoridad ang mga katutubo sa mga bayan ng Columbio, Senator Ninoy Aquino, Lebak, Kalamansig at Palembang. - Leo P. Diaz

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho