Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residenteng apektado ng bagyong ‘Ruby’ na tiyaking malinis ang pagkaing kanilang kakainin at tubig na kanilang iinumin upang makaiwas sa diarrhea.

Ayon sa DOH, ang diarrhea ay maaaring makuha mula sa maruming tubig at pagkain.

“Mag-ingat po tayo sa mga maruruming pagkain at inumin at baka tayo ay magkaroon ng diarrhea,” tweet ng DOH.

Ilan sa mga sintomas ng diarrhea ay watery stool na aabot ng tatlong beses isang araw, labis na pagkauhaw, at panlalalim ng mata sa mga matatanda at panlalalim naman ng bumbunan sa mga sanggol.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sakaling tamaan na ng diarrhea, makatutulong ang madalas na pagkain at pag-inom ng oral rehydration solution at am o sabaw ng sinaing upang mapalitan ang nawalang tubig sa katawan.

Paalala pa ng DOH, madali namang maiwasan ang diarrhea sa pamamagitan nang pag-inom ng malinis na tubig.

Kung hindi naman sigurado sa kalinisan ng tubig ay makabubuting pakuluan muna ito ng tatlong minuto o ‘di kaya’y lagyan ng chlorine.

Tiyaking ang pagkaing kakainin ay malinis at nalutong mabuti, at natakpan ng maayos upang hindi madapuan ng mga insekto at daga na nagdudulot ng karamdaman.

Pinaiiwas din ng DOH ang mga residente mula sa mga street foods, na hindi tiyak ang kalinisan.

Ang mga prutas at gulay ay dapat na hugasang mabuti bago kainin o lutuin.

Dapat din umanong ugaling maghugas ng kamay, bago at matapos kumain, lalo na kung gumamit ng palikuran.