Hawak na ng pulisya ang puting van na unang iniulat na nakuhanan ng CCTV camera nang tinangkang dukutin ang limang high school student sa Quiapo, Maynila noong Nobyembre 28.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Manila Police District (MPD) Director Senior Supt. Rolando na masusi na niyang pinaiimbestigahan ang insidente upang madakip ang mga taong may kinalaman dito.
Ayon sa MPD, ang naturang puting Nissan Urvan Estate (WOW-232) ay isinuko sa tanggapan ng MPD-Anti-Carnaping Section nitong Huwebes ng may-ari nitong si Joebert Ricarte, 34, matapos na mapanood sa telebisyon na isinasangkot ang kanyang sasakyan sa tangkang pagdukot sa mga bata.
Sinabi ni Ricarte na noong Nobyembre 27 ay hiniram sa kanya ng kababatang si Ronnel Millares ang van dahil nakisuyo umano rito ang isang kaibigan na nakilalang si Melanio Labarda, na isasama ang pamilya para magsimba sa Quiapo.
“Hindi ko naman masasabing arkila ‘yon, para pakisuyo lang, dadalhin daw sa Quiapo kasama ang kanyang pamilya para magsimba,” ayon kay Ricarte.
Tiniyak din naman ni Ricarte na handa siyang makipagtulungan sa mga awtoridad hinggil sa insidente upang malinis ang kanyang pangalan.