ISA na namang mahalagang araw ito para sa bansa, kung saan pitong Overseas Filipino Worker (OFW) ang darating mula Sierra Leone, Liberia, at Senegal sa West Africa. Tulad ng naunang 108 United Nations Peacekeeper na dumating mula Liberia kamakailan na sumasailalim ngayon sa 21 araw na quarantine sa Caballo Island sa Manila Bay, ang mga balikbayang OFW ay ibubukod sa isang gusali ng dating Nayong Pilipino complex sa Ninoy Aquino International Airport, sa loob ng 21 araw din.
Ang grupong darating ngayon ay mga Pilipino na may work contract sa mga bansa sa West Africa kung saan lumalaganap ang epidemyang Ebola. Tulad ng mga UN Peacekeeper, sumailalim na sila sa ilang araw ng isolation sa West Africa bago lumulan sa eroplano upang makapiling ang kani-kanilang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko. Isasailalim din sila sa quarantine sa loob ng 21 araw dito, at makakapiling nila ang kanilang mga mahal sa buhay bago mag-Pasko.
Nagtatag ang Department of Health (DOH) ng isang quarantine system para sa lahat ng darating mula sa West Africa. Apat na UN Peacekeeper na dumating bago ang unang 108 ang nakabukod sa isang gusali sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center sa Quezon City. Para sa mga OFW, karamihan sa mahigit 2,400 na nagtatrabaho ngayon sa Liberia, Sierra Leone, Guinea, at Nigeria ang darating ilang araw mula ngayon. Ibubukod din sila sa Nayong Pilipino complex ngunit, sa kamalasan ng mga huling dumating, malamang na magdaos ng Pasko ang mga ito nang malayo sa kani-kanilang pamilya dahil sa 21 araw na quarantine period.
Kahit anong oras, sinuman sa mga naka-quarantine ang magkasakit ay may sintomas ng Ebola, agad silang ililipat sa alinman sa tatlong itinalagang treatment center – sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa; sa San Lazaro Hospital sa Manila; at sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City.
Ito ang plano ng DOH sa kanilang konsultasyon sa World Health Organization (WHO). Nagtakda ang WHO ng medical protocols sakaling matuklasan ang isang kaso ng Ebola, habang nagtakda naman ng 21 araw na quarantine period ang DOH sa lahat ng darating, na dagdag pa sa quarantine na ipinatutupad sa bansang kanilang pinanggalingan bilang karagdagang pag-iingat.
Sa harap ng mapanganib na karakter ng Ebola at ang kabilisan nitong mahawahan ang tao, umaasa tayo na mahigpit na susundin ang mga hakbang sa pag-iingat. Wala na sanang di inaasahang pagbisita tulad ng ginawa nina acting Health Secretary Janette Garin at AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang Jr. sa mga UN Peacekeeper sa Caballo Island. Maaari ngang mabuti ang kanilang hangarin ngunit para sa ikapapanatag ng loob ng sambayanan, kailangan natin ang maigting na pag-iingat, sundin ang mga panuntunan ng quarantine letra por letra, at huwag pahintulutan ang exceptions.