Anim na kabayo ang nakatakdang maglaban sa 2014 Philracom Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup bukas sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa unang pagkakataon ay haharapin ng Hagdang Bato ang limang imported na kinabibilangan ng Strong Champion, Lady Pegasus, King Samer, Crucis at My Champ.
Ang Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup ay pakarera ng Philippine Racing Commission (Philracom) kung saan ay nakalaan ang P2 milyon premyo. Tatanggap ng P1.2 milyon ang tatanghaling kampeon, P450,000 para sa pangalawa, P250,000 sa pangatlo at P100,000 sa ikaapat na puwesto.
Lubhang kaabang-abang ang magaganap na labanan ng Hagdang Bato at Crucis upang alamin kung sino ang tunay na kampeon.
Magbabanta rin ang Strong Champion at ang couple entry na Lady Pegasus at King Samer.
Bukod sa nasabing pakarera, ihahandog din ng Metropolitan Association of Race Horse Owner (MARHO) ang anim na karera na may nakalaang tig-P1 milyon premyo.
Babandera ang 2014 MARHO Cup Racing Championship, MARHO Cup Classic, MARHO 3-Year-Old Colts Mile, MARHO 3-Year-Old Fillies Mile, MARHO Cup Sprint, MARHO 2-Year-Old Juvenile Colts at MARHO 2-Year-Old Juvenile Fillies.