NAGSAMA-SAMA ang Quezon City Council, Quezon City Pride Team at Quezon City government sa paghimok ng pagkakapantay-pantay ng bawat indibidwal na ipinagdiriwang ng lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT) Pride.
Hindi lingid sa nakararami ang mga pinagdaraanang pagsubok ng LGBT sa bansa. Dahil dito, nagsagawa ng paunang hakbang ang grupo partikular na sa Quezon City.
Magugunita na sa unang pagkakataon, nagsalita ang LGBT laban sa pang-aabuso, diskriminasyon at kaharasan noong Hunyo 28, 1969, na mas kilala bilang Stonewall Riots sa Greenwich sa New York, at hanggang ngayon ay iisa pa rin ang minimithi nito—at ito ay ang “EQUALITY. Walang labis, Walang kulang.”
Nais baguhin ng nasabing grupo ang mga negatibong pagkakakilanlan sa kanila na nagiging balakid upang kanilang maabot ang mga pangarap.
Kasabay ng pagdiriwang ng 2014 LGBT Pride March sa Quezon City, nalalapit na rin ang selebrasyon ng World AIDS Day sa darating na Disyembre 1, 2014. International Human Rights Day sa Disyembre 10 at ang Anti-Discrimination Ordinance in Quezon City na pumuprotekta sa grupo laban sa pang-aabuso.
Umaasa ang grupo sa pakiki-isa ng bawat indibidwal sa pangmalawakang selebrasyon. Ang parade ay magsisimula ng 3:30 ng hapon mula Tomas Morato patungong Timog Avenue hanggang makarating sa Quezon Memorial Circle, kung saan isang maikling programa ang inihanda na may kaugnayan sa ipinananawagan ng grupo.