Hinigpitan na ang seguridad, naglatag ng mga checkpoint at nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya makaraan ang pagsabog sa Siguel Bridge sa Bgy. Tinoto, Maasim, Sarangani Province kamakalawa ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na dakong 7:15 ng gabi nitong Miyerkules nang maganap ang isang malakas na pagsabog sa ilalim ng tulay.

Sinabi ni P/Insp Michael Santos, hepe ng Maasim Municipal Police Station, na hinihintay pa nila ang inisyal na resulta ng report ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) Sarangani kung anong uri ng eksplosibo ang sumabog sa ilalim ng Siguel Bridge.

Sa paunang pagsisiyasat nakakolekta ng mga tela sa lugar na amoy pulbura, subalit walang nakitang crater at splinter sa pinangyarihan ng pagsabog.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Walang iniulat na tinamaan sa pagsabog dahil malayo ito sa kabahayan. Patuloy na nadadaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang tulay.

Ang nasabing tulay ay dinadaanan ni Cong. Manny Pacquiao sa kanyang high altitude training sa tuwing mayroong laban.