Paki-bantayan ang temperatura mo sa loob ng 21 araw.

Ito ang mungkahi ni Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon kay acting Department of Health (DoH) Secretary Janet Garin matapos labagin umano ang medical protocol nang bisitahin ang mga Pinoy peacekeeper na naka-quarantine sa Caballo Island upang matiyak na walang sintomas ng Ebola virus.

“Ang pagbisita sa Caballo Island ay isang careless misjudgement,” ayon kay Biazon, isang dating senador at chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kasama ni Garin si AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang sa pagbisita sa mga peacekeeper bagamat walang suot na protective gear ang dalawang opisyal.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Mas nakababahala ang mensaheng ipinarating nito sa mga mamamayan kaysa tamaan sila ng Ebola virus,” ayon kay Biazon.

Unang pinaghinalaang tinamaan ng Ebola virus ang isa sa mga peacekeeper subalit kinalaunan ay nadeterminang ito ay may malaria. Sa kabila nito, inihiwalay ang naturang peacekeeper sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa City upang matiyak na hindi ito nadapuan ng Ebola.

“Sa susunod, dapat magingat si Garin… kung mayroon pang susunod na pagkakataon,” dagdag ng kongresista,” hindi ko alam kung ano ang gusto niyang patunayan.” - Ellson A. Quismorio