GENERAL SANTOS CITY – Isang pinaghahanap ng batas at dalawa niyang kasama, kabilang ang kanyang live-in partner, ang napatay sa pakikipagsagupaan sa mga pulis sa Sto. Niño, South Cotabato noong Huwebes.
Kinilala ni South Cotabato Police Provincial Office director Senior Supt. Jose Briones ang mga nasawi na si Omar Ambalgan 26; kinakasama niyang si Rhea Mae Jumarito, 19; at si Noli Roce, 30. Sinabi ni Briones na magsisilbi ng arrest warrant ang mga pulis, sa pangunguna ni Sto. Niño Police chief Supt.
Verlin Pampolina, kay Ambalgan para sa kasong murder nang makipagbarilan ang grupo ng huli.
Ayon kay Briones, pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis na sumalakay sa hideout ng mga suspek sa hangganan ng Barangay Ambalgan sa Sto. Nino at Bgy. Barangay Dajay sa Surallah.
Sinabi ng pulisya na ang mga suspek ay pawang kilabot na miyembro ng sindikato na sangkot sa ilegal na droga at carnapping.
Narekober ng pulisya sa lugar ang isang .357 caliber handgun at granada. - Joseph Jubelag