KUNG si Vice President Jejomar Binay ay atubili sa pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee, si Senate President Franklin Drilon naman ay handang humarap sa pagdinig para pagpaliwanagin sa umano’y overpriced na Iloilo Convention Center (ICC). Ayon kay Sen. TG Guingona, nagsumite na si “Big Man” ng mga dokumento tungkol sa ICC project kasama ng mga dokumento na isinumite rin nina Public Works Secretary Rogelio Singson, Tourism Secretary Ramon Jimenez Jr., at dating Iloilo provincial administrator Manuel Mejorada, dating consultant ni Drilon, na naghain ng reklamo laban sa kanya sa Office of the Ombudsman. Kung si VP Binay ay nag-aalala sa pagdalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, ang Big Man ng Senado ay parang walang takot. Sa mga kritiko, ang Blue Ribbon Committee ay hindi raw “Blue” kundi Yellow Committee o kulay dilaw. Marahil ay alam na ninyo kung ano ang kahulugan ng “Dilaw”.

Dalawang komite ng Kamara ang nag-indorso sa pagpapalawak ng anti-graft na Sandiganbayan sa layuning mapabilis ang pagtalakay at paglutas sa mga kaso laban sa mga tiwaling pinuno ng bayan. ang dalawang komite ay ang House Committee on Justice at House Committee on appropriations. Kabilang sa mga may-akda ng consolidated bill sina Reps. Federico Romero Quimbo ng Marikina City, Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro City, at Francis Gerald Abaya ng Cavite.

Ganap nang isang batas ang mandatory Philhealth coverage para sa mga senior citizen o nakatatandang mamamayan sa Pilipinas. Tinatayang mahigit sa anim na milyon ang senior citizen, kasama na ang dalawang “matandang jogger” na nakakasama ko sa pag-eexercise. Kasama na rin dito ang mga kaibigang kong journalists na nakasama ko noon sa Department of National Defense, House of Representatives, at mga media forum. Nilagdaan ni PNoy bilang isang batas ang Republic act 10645, na nagaamyenda sa Expanded Senior Citizens act of 2010 o ang R.a. 9994. Ibig sabihin nito, ang isang Pilipino na 60 anyos ay saklaw ng batas sa senior citizens. Dati, ang saklaw lang ay iyong mahihirap na senior citizens. Kahit paano, sa takipsilim ng kanilang buhay, alam nilang may pagtanaw pa rin pala sa kanila ang pamahalaan.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon